Kendi at pagiging bata

Masarap bumalik sa pagkabata, ‘di ba? Yung wala kang problema, ang iniisip mo lamang ay paglalaro. Madapa ka man at masugatan makakalimutan at maghihilom din iyon na parang walang nangyari. Tatawa ka ng walang katapusan at iiyak ka ng malakas na para bang wala ng bukas. Wala kang responsibilidad sa mundo kundi mag-aral lang. Wala kang alalahanin sa bukas dahil hindi pa naman iyon ang naiisip mo. Kapag iiyak ka ay bibigyan ka lang ng kendi at magiging okay ka na. Makakain ka lang ng cake at ice cream maligaya ka na.

Sana ang buhay ay ganun nalang, isang simpleng bata ka lang. Pero hindi eh, sa ngayon kapag iiyak ka bibigyan ka ng kendi hindi na iyon sapat para mapatahan ka. Ang buhay na ngayon ay kailangang harapin ng may tamang pag-iisip at tamang desisyon. Kung madadapa ka kailangan mong bumangon at ipaglaban ang sarili mo. Sa bawat tawa mo kailangang paghandaan din ang bawat pag-iyak mo.

Ang sugat ng puso na hindi katulad ng sugat sa tuhod na kailangang lagyan lang ng band-aid ayos na, isa iyong sugat na maghihilom ng napakatagal na panahon.

Noong bata pa tayo masarap maligo sa ulan. Ngayon gusto na nating maulanan para makaiyak tayo na hindi nila malalaman.

Pero minsan, kailangan ng matinding lakas ng loob at tibay ng damdamin sa pgharap sa kinabukasan. Ito’y magdadala sa atin sa gusto nating tahakin. Laban lang! Hindi man tayo makabalik sa pagiging bata pero alam natin na minsan man naging bata tayo at naranasan natin ang lahat ng iyon. Masarap pa rin kumain ng kendi kasama ang kaibigan mo paminsan-minsan.