tumblr_mvbvvwj7Q61skio19o1_500

tumblr.com

Nakita ko kung paano siya humihinga, humihinga lang siya na parang dahil kailangan niyang huminga.

Nakaupo siya sa kanyang kama na nakaharap sa nakasaradong bintana. Ang kulay ginto niyang buhok ay magulo na parang ilang araw nang hindi nasusuklay. Ang singkit niyang mga mata ay namumugto dahilan na rin siguro sa ilang gabi niyang pag-iyak. Malalim at maitim ang ibabang bahagi ng mga mata. Humpak ang mga pisngi dahil sa hindi pagkain. Ang kanyang mga labi ay tuyo at maraming bitak, dahil na rin siguro sa walang humpay na paninigarilyo. Nakikita ko na ang kanyang tubong bato, na parang isa na siyang bangkay na nakaupo ngayon sa harapan ko. Nakasalikop ang nanginginig niyang mga kamay, nakita ko ang tattoo niya na nakasulat ang pangalan nang pinakamamahal niya. Ngumiti ako ng mapagtantong suot niya ang paborito niyang damit na regalo ko nung kaarawan niya.

Napatingin siya sa gawi ko at marahang ngumiti. Yung pag ngiti niyang iyon ay parang doon siya kumukuha ng lakas.

“Nandito ako-“ panimula ko.

Iniba niya ang tingin.

“Ayaw mo bang makaalis diyan?”

Nakita ko kung paano siya huminga ng napakalalim. “Hindi ko.. hindi ko alam kung paano” narinig ko ang panginginig ng kanyang boses.

Marahan akong pumunta sa kinauupuan niya at naupo sa tabi niya. “Tutulungan kita kung paano”.

Tumingin ulit siya sa akin. Ngumiti ako at tumango. Biglang nangunot ang noo niya at dumungaw ang luha sa kanyang mga mata. Kinuha ko ang nanginginig pa rin niyang mga kamay. Doon na ay hindi niya na napigilang humagulgol. Niyakap ko siya ng mahigpit.

“Shhhhh… magiging maayos din ang lahat”.

Hinayaan ko siyang humagulgol, hinayaan ko siyang ilabas ang nararamdaman niyang sakit. Alam kong hindi madali. Pero kakayanin niya, dahil ganun talaga…ganun talaga ang buhay.

-Whiteangel

Leave a comment