Paalam (A Halloween special)

Naglalakad ako sa daan na puno ng alikabok. Parang kay bigat ng paa ko habang papalapit sa gawi roon. alas singko na ng hapon ngunit parang kay dilim ng kalangitan. Napatingala ako sabay pahid sa pawisan kong noo.

Maya-maya ay nakarating na ako sa aking patutunguhan. Dala ko pa rin ang bigat ng dinadala ko.

Napaupo ako sa marmol na bato. Parang hindi ko na yata kayang lumakad pa. Tumingin ako sa harapan ko, naramdaman ko ang malakas na hangin. Nagpalinga-linga ako sa paligid ko, ngunit wala akong makitang tao roon. Maya-maya pa ay naramdaman kong may yumakap sa aking likod.

“Mama, tingnan mo oh ang ganda ng drawing ko” sabay bigay sa akin ng drawing. Tiningnan ko amang iyon at agad tumayo.

“Mama!” tawag niya pa rin sa akin. Napahinto siya pansumandali, per sumunod din siya sa paglalakad ko. Kinuha niya ang kamay ko at hinawakan.

Papunta na kami sa loob ng simbahan. Lumuhod at umusal ako ng panalangin. Nakita ko sa sulok ng mga mata ko na lumuhod din siya. Pinikit niya ang mga mata niya at umusal din ng panalangin.

“Papa Jesus, ‘wag n’yo po kaming pababayaan ni Mama, ilayo n’yo kami sa kapahamakan at lagi n’yo kaming bantayan”.

Tumingin ako sa kabila upang itago ang mga luha na sabay-sabay na pumatak mula sa mga mata ko. Nakita kong tumingin siya sa akin, ngunit walang salitang lumabas sa bibig niya. Naupo siya habang hinihintay akong matapos. Nakita kong hawak-hawak pa rin niya ang drawing niya. Napakainosente ng mga mata niya habang nakatingin sa papel na hawak niya. Nakita kong ngumiti siya. Ang mala-anghel niyang mukha ang nagbibigay sa akin ng lakas.

Tumayo na ako. Nakasunod siya sa likod ko. Hanggang sa makarating kami sa harap ng isang nitso. Nanlambot ako at napaupo. Naupo na rin siya sa tabi ko. ‘Di ko na napigilan ang pagtangis ko. Hanggang sa napahagulgol ako, niyakap niya ako at hinimas ang aking likod.

Wala ni anumang salitang lumabas sa bibig ko. Napakabigat ng nararamdaman at ayaw ko ng bumitiw sa pagkakayapos niya. Inilayo niya ang katawan niya sa akin, nakita kong ngumiti siya. Anim na taon lamang siya pero parang nauunawaan na niya ang mundo.

“Magiging okay din ang lahat, Mama” sabay halik sa aking pisngi.

Lumingon ako sa nitso, hindi ko pa rin napigilan ang pagpatak ng luha ko. Pinahiran niya iyon gamit ang maliliit niyang mga kamay. Hindi ko na napigilan at niyakap ko siya ng napakahigpit. Mahal na mahal ko siya.

Pagkalipas ng tatlumpong minutong nakaupo lamang ako at nakatingin sa nitsong nasa harapan ko ay tumayo na ako.

Naglakad ako, hindi alintana kung nakasunod pa rin siya sa likod ko. Ngunti naramdaman ko ang paglalakad niya. Naramdaman ko ang maliliit na hakbang habang sumusunod sa akin.

Nasa bukana na ako ng sementeryo nang matigilan siya.

“Aalis ka na Mama? Iiwan mo na naman ako? Kailan ka uli babalik?” sunod-sunod na tanong niya.

Kumirot ang dibdib ko “Hindi na ako babalik, ayoko na sa makulit na batang katulad mo”.

Naramdaman ko ang paghikbi niya “Mama, ‘wag mo kong iwan!”

Hindi ko mapigilan ang mapalingon. Nakita ko kung paano siya masaktang muli. Nakita ko ang sunod-sunod na pagpatak ng luha niya. Ngunit kailangan niya na akong iwan. Kailangan na niyang matanggap na wala na siya.

Nagsalita ulit ako.

“Magpahinga ka na anak, iwan mo na si Mama, ok lang si Mama. Kaya na niya na wala ka sa buhay niya. Pero mananatili ka pa rin sa puso ni Mama”. Hindi ko siya malapitan. Ang sakit-sakit ng nararamdaman ko, parang pinipiga ang puso ko sa nakikitang paghihirap sa mukha niya.

Hindi ko na hinintay ang sagot niya, dahan-dahan na akong humakbang palayo sa kanya. Narinig ko ang sigaw niya.

“Mamaaaaaaaaaaaaaaaa!”

Napapikit na lang ako.

Nakita kong nabitawan niya ang papel na hawak niya at lumipad sa gawi ko. Pinulot ko iyon at tiningnan. Isang batang babae na nakakapit sa kamay ng kanyang ina; nakangiti silang dalawa. Napahagulgol ako sabay lingon. Ngunit wala na siya. Wala na ang aking kaisa-isang anghel.

“Patawad anak ko. Gusto ko nang magpahinga ka kasama ng Panginoon sa langit. ‘Wag mo nang alalahanin si Mama mo. Mahal na mahal ka niya magpakailanman”.

Saka ako unti-unting humakbang palayo. Palayo sa bahay kung saan nakahimlay ang aking anghel.

“Paalam, anak ko!”.

Originally posted: http://definitelyfilipino.com/blog/2012/10/28/paalam-a-hallloween-special/

Advertisements

Paalam (A Halloween special)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s